Category Archives: Culture

Liham Para sa Kabataan

Bawat isa may gampaning gagampanan. Lahat po tayo ay may alituntuning susundan. Nang ikaw ay nilikha ng ama isinilang ka kay inang bayan na nagbigay sayo ng karapatan. Dalawa ang iyong ama at dalawa rin ang iyong ina, apat po ang iyong mga magulang. Inang sayo ay nagluwal at ama mong bayolohikal ang naatasang sayo ay humubog. Kapag ikaw ay hubog na saka ka na sa kanila ay unti-unting bubukod. At may lebel na magiging silbi mo na lang silang gabay at tungkod.

Ito ang lebel ng pagiging kabataan kung saan nagsisimula ang pagkamulat na sa inang lupa’t amang lumikha kailangan mong maglingkod. Ang estado ng kabataan ay ang pinakadelikadong lebel dahil ito ay pasikot-sikot. Magiging kuryoso ka sa maraming mga bagay, utak mo ay magiging malikot. Narito ang mga pinakanakakalitong daan kaya kung saan-saan ka susuot. Umibig, mag-aral, magloko, magseryoso at iba pa, lahat yan ay nakapaloob sa kabataan kaya tayo ay nagiging mapusok.

Kaya may nabuong konsepto ng paglilinang sa kabataan. Dito papalawigin ang ating mga pagkakataon at mga pagpipilian. Nang sa gayon ang lebel ng pagiging kabataan ay maunlad nating malampasan. Para sa huli, si inang bayan alam natin kung paano mapaglilingkuran. Kaya iyong tandaan, kung saan ka laging tagumpay ito ang iyong kalakasan. Kung saan ka laging sablay ito ang iyong kahinaan. Para lalung masanay, oportunidad ang kailangan. Ngunit may mga balakid na bantay na dapat mong laging mahakbangan. Apat na bagay na kailangang unawain sa paglinang; kalakasan, kahinaan, oportunidad at hadlang. Lahat kasi yan ay pampalawak ng iyong pagiging rasyonal. Ito ang magsisilbing pangkorte ng iyong mga pananaw. Sa tunay na mundo tuturuan ka nito kung paano gumalaw. Nang sa huli, kahit saan ka mapadpad hindi ka na maliligaw.

Kabataan atin pong paghusayan. Tayo po ang pag-asa ng bayan. Hindi ba sa pag-ibig ayaw natin ng mga paasa. Kaya wag na wag nating papaasahin si inang bayan.

 

-Kenneth dela Rosa

Si PNoy, ang DAP at SONA

Noong nakaraang buwan, Hulyo ay idineklara ni Supreme Court spokesperson Theodore O. Te ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na ilegal o hindi naaayon sa ating saligang batas. Nangangahulugang ito ay may nalabag na batas. Ang DAP ay pagkuha ng Pangulo ng pera mula sa savings ng kahit anong sektor sa ehekutibong sangay upang gamiting pondo sa kahit anong proyektong kanyang sinasagawa nang walang paalam o proseso. Kasunod ng deklarasyong ito, kalagitnaan ng Hulyo, ay ang talumpati ni Pangulong Noynoy Aquino kontra sa desisyon ng Korte Suprema. Buong loob niyang hinayag sa kanyang talumpati na ang panig niya ay magpapasa ng Motion for Reconsideration sa Korte Suprema. Nangangahulugang hindi sila kuntento sa hatol. Ayon sa talumpati ng Pangulo may umiiral na batas na magpapatunay na legal ang DAP. Isa pa, ang DAP ay napunta raw sa mga proyektong kapaki-pakinabang para sa bayan at mga mamamayan ng Pilipinas. At sa kabila ng isyung ito, bago matapos ang Hulyo ay naganap parin ang State of the Nation Address (SONA) ng ating Pangulo para sa taong 2014.