“Playlist 10” ni Shaira Luz Ogalinola

Home / Lit / “Playlist 10” ni Shaira Luz Ogalinola

Tuwing bakasyon ay pumupunta kami sa bahay nila Tita Caroline at Tito Victor. Magkaibigan silang matalik nila Mama’t Papa simula kolehiyo pa hanggang ngayon. May isa silang anak na babae, si Ceej. Sound and music geek siya. Ang hilig niya sa tunog ng kung anu-anong bagay. Ang dami rin niyang alam tungkol sa tunog at musika, maski ang scientific topics and discussions tungkol sa pandinig ng mga tao ay alam niya. Mayroon nga siyang mga playlist na nahahati sa bawat kategorya ng tunog at musika.

Lumabas ako ng bahay, nagbabaka-sakaling makausap siya. Ilang araw na lang kasi ay uuwi na kami. Hindi naman ako nahirapan dahil tulad ng inaasahan ko ay nakaupo siya sa duyan. Nakapikit ang mga mata, habang malayang hinahaplos ng hangin ang kanyang buhok habang hinihele ng duyan. Sa tuwing bakasyon, ito na ang naging libangan ko. Ang titigan siya, ang hangaan ang maamo niyang mukha at mangarap na sana titigan din niya ko sa paraan ng pagtitig ko sa kanya.

Agad niya kong nakita dahil naka-distansiya lang ako sa harap niya. Nagsara ang tingin namin sa isa’t-isa. Unti-unting sumilay ang ngiti niya sa labi, tumayo, tumakbo at sinalubong ako ng mahigpit na yakap. Dahan-dahan kong inangat ang kamay ko, nag-aalangan kung gagantihan ba siya o hindi. Sa bandang huli, pinanaig ko na lang ang gusto ko’t maingat siyang niyakap.

“Stay with me.” Bulong niya.

“I will.”

♫♪♫♪♫

Alas nuebe ng gabi at nasa silid na ang lahat. Nakasuot ako ng headset, nakikinig sa Every Avenue playlist ko nang biglang pumasok si Ceej.

“You didn’t knock.” Binaba ko ang headset at ipinatong iyon sa likod ng leeg ko na parang kwintas lang.

“I did. Hindi ka naman sumagot.” Tumalon siya papuntang kama at niyakap ako. Mahilig siyang manyakap at hindi ko ikakaila na gusto ko ang ginagawa niya. Gustong-gusto.

Sumandal siya sa balikat ko, hindi pa siya nakuntento dahil isinuksok pa niya ang mukha sa leeg ko. Inakbayan ko siya para maiayos ang posisyon at ng sa gayon ay maging komportable siya. Nilingon ko siya at dinampian ng halik sa noo.

“Ceej?”

“Hmm.”

“You’re a geek or a geek?”

“No. I just appreciate.” Kinuha niya ang cellphone ko. In-off niya ang music app ko’t plinug ang earphone sa cellphone niya at pinatugtog ang playlist 1.

“Seriously?” Mahina kong bulalas. Umayos siya ng upo paharap sa’kin at dismayado akong pinukulan ng tingin. “What?” Natatawa kong banggit. “Pati ba naman pag-aaway ng aso at pusa ay ni-record mo?” Hindi niya ko sinagot bagkus ay inirolyo na lamang ang mata.

Sunod-sunod ko ng narinig ay ang paghuni ng ibon, tunog ng kuliglig, daga, bubuyog at bangaw. Sumunod naman ang playlist number 2 na compilation ng mga boses ng bida mula sa iba’t-ibang mga pelikula. Tuloy-tuloy ang pakikinig ko sa napaka-weird na playlist niya. Hinablot ko ang kanyang ipod at tinignan ang natitirang playlist.

Playlist 9 at playlist 10.

Binuksan ko ang playlist nine, may limang record list na naroon. Plinay ko ang ikatlong list. Umalingawngaw ang boses ni Ceej na kumakanta.

Napahalakhak ako.

“Just listen, okay.” Napipikong sabi niya. Aminado naman kasi siyang hindi maganda ang boses niya. Kung hindi ako nagkakamali ay kinakanta niya ang chorus ng kantang ‘The way I love You’ by Taylor Swift.

“Hay natapos din.” Sabi ko na para bang nakaraos sa isang digmaan. Hinampas ni Ceej ang braso ko sabay kurot ng magkabilang pisngi ko. Gumanti ako sa kanya dahil dati ko pa ito gustong gawin. Ang lakas ng tawanan naming dalawa, ang lapit na ng mukha namin sa isa’t-isa, napansin namin iyon kaya agad kaming nag-iwasan ng tingin. Hinablot ko ang ipod at pinahinto ang playlist.

Hindi ako umimik, ganoon din siya.

Sinunod ko na lang ang playlist 10, ang pinakahuli.

Napalingon ako kay Ceej. Hindi makapaniwala.

“Care to explain this?” Matigas kong tanong.

“Alam ko naman kasing hindi ka papayag kaya–“

“Kaya ano? Nagpasimple ka?” pagpuputol ko sa sasabihin niya.

“Chase –“

“Hindi lahat ng gusto mo, magugustuhan ko rin. Hindi lahat ng gusto mo, pwede kong pagbigyan. Ceej, ayokong patulan ang kabaliwan mo.”

“I’m…not crazy” bulong niya.

“Oh. Of course, you just appreciate.” Sarkastiko akong tumawa. “Kahibangan na ‘yang ginagawa mo, Ceej. Kaya ka siguro nila pinahinto sa pag-aaral dahil diyan sa kabaliwan mo.”

“I’m not crazy, you…you didn’t understand.” Nagsimula na siyang umiyak ng tahimik. Tinitigan ko ang ipod niya at walang sali-salita na dinelete ang playlist 10 kung saan puro boses ko ang laman. “Chase! You can’t do that!” Puna niya ng mapansin ang ginawa ko.

“Ceej, look. I care for you. I want you to live normally like any other woman outside. Let me help you to stop this nonsense and for Christ’s sake! Help yourself! Hindi ka nakikipag-usap sa iba, laging sa amin lang. Wala kang kaibigan. Hindi ka na pumapasok sa school mo. I don’t want you to become miserable. I care for you! So damn much! It ruins my heart to see you like this.” mabilis siyang umiling-iling, kumokontra sa lahat ng sinabi ko.

“You didn’t understand…you didn’t…I like what I’m doing. If you think this is crazy….then fine. From now on you may leave me alone.” Hirap na hirap niyang sabi.

“Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Bingi ka ba o nagbibingian lang?!” pagkasabi noon ay naramdaman ko ang paglapat ng palad niya sa kanang pisngi ko ng malakas, naramdaman ko ang sakit ng pagsampal niya.

“I’m sorry.” Agad niyang hingi ng paumanhin at mabilis na lumabas ng kwarto.

♫♪♫♪♫

Sa araw ng pag-alis namin ay hindi ko nakita si Ceej ng buong araw. Nagkulong lamang ito sa kwarto, ayaw daw nitong lumabas, ayon kay Tita. Bago pa ko makapasok noon sa loob ng kotse ay binulungan ako ni Tita “Pinagbiyan mo na lang sana siya.” Hindi ko alam kung para saan iyon pero napagtanto ko kinalaunan na tama si Tita. Wala namang mawawala kung pinagbigyan ko siya.

Ilang buwan na ang lumipas nang mapag-desisyonan ko na pagbigyan ang gusto niya. Huminga muna ako ng malalim bago pindutin ang start button ng voice recorder ng cellphone ko.

Andrea Ceej Del Mundo, uhm, hi! Remember when we first met? Tinawag mo akong kuya dahil inakala mo, inampon ako nila Tita Caroline. Iniwan nila tayo sa salas para makapag-usap. Ang liit mo pa ‘non, sa pagkakaalala ko, eight years old ka samantalang ako, twelve. Tuwang-tuwa ka dahil sabi mo, sa wakas mayroon ka ng kuya. Sabi mo pa pasasalamatan mo sila Tita dahil napakagwapo ng iniregalo nilang kuya sa’yo. Iyon ang una kong halakhak kasama ka.

Sa gulat ko ay lumapit ka sa’kin, niyakap ako at hinalikan sa magkabilang pisngi. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na may nakahalik sa magkabilang pisngi ko, nakayakap at nakalapit sa’kin bukod kay Mama. Unang beses ko ring naramdaman noon ay ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Sobrang bilis na kahit takbuhin ko pa ‘ata’y hindi ko mahahabol. Hindi ko maintindihan ang damdamin ko noon. Marami akong na-experience na ‘una’ mula sa’yo.

Nagyaya ka ng laro agad kahit hindi pa ko nagsasalita para makausap ka. Palagay na agad ang loob mo sa’kin. Pero hindi na tayo nakapaglaro dahil dumating na sila Tita at Mama. Agad kang nag-‘thank you’ sa Mama mo dahil ang pogi daw ng iniregalo mong kuya. Sabay na humalakhak noon si Mama at Tita at sinabing hindi ako isang regalo para sa’yo. Lumukot agad ang mukha mo at sunod ko na lamang namalayan ay ang malakas mong pag-iyak.

Kinagabihan ay hindi mo na ko kinausap, napagtanto ko rin na hindi mo pa naririnig ang boses ko kaya noong tulog na ang lahat pumunta ako sa kwarto mo, nagbabaka-sakaling gising ka pa. Hindi naman ako nagkamali, nakita kitang may hawak na voice recorder at nakaupo sa bintana. Sabi ko baka mahulog ka ngunit inilapat mo ang hintuturo sa mapupula mong labi, senyales na huwag akong mag-ingay.

Lakas loob akong lumapit, nalaman ko na nire-record mo pala ang tunog ng kuliglig. Tinawanan kita at tinanong kung ano ba ang ginagawa mo. Hindi ka sumagot, kaya nagpatuloy ako sa pagsasalita, marami akong sinabi tulad ng pangalan ko, edad, kamusta ka at ilang taon ka na. Hindi ka nagsalita, nakatitig ka lang sa’kin na parang walang kang naiintindihan, na parang hindi mo naririnig ang sinasabi ko. Nang maubusan ako ng salita ay pinindot mo ang voice recorder. Na-realize ko na nare-record mo pala ang boses ko kasabay sa tunog ng kuliglig. Agad kang bumaba ng bintana nang tinangka kong agawin ang recorder sa’yo. Iyon ang kauna-unahang beses na narinig ko ang paghalakhak mo, napakagandang pakinggan, mahinhin na para akong hinihele.

Naghabulan tayo sa kabuuan ng kwarto mo, balot ng halakhak na’tin ang silid. Nagkalat ang unan sa sahig dahil hanggang sa kama ay naghahabulan tayo. Binabato mo ako ng mga stuffed toy kaya nagkalat din iyon sa lapag. Dahil sa ingay na’tin, nagising sila Tita, Tito, Mama at Papa. Nahuli nila tayo. Napailing silang apat dahil sa kasulukuyang sitwasyon ng kwarto mo. Masiyadong makalat. Hindi ka pinagalitan ni Tita. Si Mama naman ay pinagsabihan ako, dapat daw kasi ay natutulog na tayo at hindi raw maganda na istorbohin ka pa, ako raw ang mas nakatatanda kaya dapat ako ang mas nakaaalam.

Hindi ko naagaw ang recorder sa’yo. Hindi ko na rin iyon nakita. Hindi ko alam kung ano ang ginawa mo doon pero naniniwala ako na nasa kamay mo pa rin ito hanggang ngayon kahit sampung taon na ang lumipas simula ng mangyari ‘yon.

Ceej, ang punto ko…gusto kong humingi ng tawad…sa ginawa ko, sana pinagbigyan na lang kita. Sana hindi na lang kita kinontra. Nabura ko man iyon sa ipod mo, pero palagay ang loob ko dahil alam ko na nasa iyo pa ang voice recorder na naglalaman ng musmos ko pang tinig. Gusto kong makabawi, kaya…heto.

Sasamantalahin ko na ring sabihin ‘to, matagal ko na kasi ‘tong gustong aminin pero wala akong sapat na lakas ng loob.” Humugot ako ng malalim na hininga at mariing ipinikit ang mga mata.

Mahal kita. Mahal na mahal.”

♫♪♫♪♫

Semestral Break. Huling semestral break dahil ga-graduate na ko sa kursong Architechture. Nagpaalam ako kaila Mama’t Papa na pumunta sandali sa bahay nila Tita’t Tito. Gusto kong ibigay ang ni-record ko, pamalit sa ikasampu at pinakahuli niyang playlist na binura ko. Playlist na nakalaan para sa’kin.

Magga-gabi ng makarating ako sa bahay nila. Wala ang kotse ni Tito, malamang ay nasa trabaho pa ito. Agad kong narinig ang napakalakas na tunog ng radyo. Kumatok ako ng tatlong beses sa pintuan, tinawag ko si Tita Caroline pero walang sumagot. Ilang beses pa, ngunit wala pa rin. Nakakapagtaka, nakabukas naman ang ilaw sa loob at may nagpapatunog pa ng radyo. Humakbang ako papuntang bintana kung saan matatanaw ang salas nila.

Nakita ko si Ceej, awtomatiko akong napahugot ng hinga. Habang tumatagal ay paganda ito ng paganda. Naka-indian seat siya habang nakatitig sa lumang radyo na parang hindi naririinig ang sinasabi ng DJ kahit napakalakas pa ng volume nito.

May pinindot siya doon sanhi ng paghinto ng radyo. May isinalang siyang tape doon. Ilang saglit pa ay narinig ko ang nakabibinging tunog ng kuliglig, ilang minuto ang lumipas ay napasinghap ako ng marinig ang isang pamilyar na tinig.

Ano ba ginagawa mo?” Natatawang banggit ng isang batang lalaki. “Ako si Angelo Chase Chavez, twelve years old, ikaw?” Hindi sumagot ang kausap ng batang lalaki kaya nagpatuloy ito sa pagsasalita.

Titig na titig si Ceej sa radyo. Hindi siya kumukurap. Hinayaan ko na lamang ang sarili na pagmasdan siya.

Sorry pala sa nangyari kanina, ah…” pagpapatuloy ng bata kong boses mula sa recorder, dito ko na napansing humihikbi siya. Iniangat niya ang dalawang kamay, ang inaakala ko’y para ipamunas sa luha niya ngunit sa gulat ko ay pinaghahampas niya iyon ng malakas sa tainga niya.

Sa pag-aalala ay malakas akong kumatok sa bintana, hindi siya lumingon sa’kin, hindi niya ko narinig, hindi niya ko napansin. Halos mabasag ko na iyon ng saktong dumating si Tita Caroline.

“Chase, you’re here!” bakas ang gulat ngunit sinalubong niya ko ng yakap at nginitian.

“Please, open the door.” Agad kong sabi, nag-iba ang ekspresyon niya’t napalitan ng pag-aalala.

“God, Ceej, not again.” narinig kong bulong niya. Pinihit niya ang doorknob ngunit naka-lock ito sa loob. Kinuha ni Tita ang martilyo na nakatago sa likod ng paso. Nagtataka ako dahil hindi na siya nag-abalang kumatok samantalang nasa salas lang naman si Ceej. Agad niya iyong nabuksan. Pumasok kami agad, nakita ko ang paghinga ng malalim ni Tita at ang pag-aliwalas ng mukha niya pero agad ding pumikit dahil sa nasasaksihan niya ngayon sa harapan niya.

Hinahampas pa rin ni Ceej ang tainga niya. Napakalakas ng hikbi nito na waring desperado sa isang sitwasyon at wala ng pag-asa pa. Lumayo si Tita at dumiretso ng kusina, narinig ko na rin ang paghikbi niya.

Mabilis kong nilapitan si Ceej, napahinto siya sa paghikbi at gulat na napatingin sa’kin. Mabagal siyang umiling na parang hindi makapaniwala, tinawag ko ang pangalan niya. Tumitig siya sa labi ko at muling umiling. Muli na naman siyang humikbi at umiyak.

Umupo ako sa tabi niya, niyakap siya na ginantihan din naman niya. Nabasa agad ang balikat ko sa kanyang luha. Nang huminto na ang recorder ay hinawakan ko ang balikat niya,   nakayuko siya kaya hindi ko makita ang mukha niya ng maayos.

“Ceej, look at me.” Hindi siya nakinig. Kinuha ko sa bulsa ang cellphone kasama ang earphone, isinuot ko ‘yon sa kanya. Ibinigay ko sa kanya iyon at may itinuro. “Playlist 10.” Tukoy ko.

Nakita ko ang pagngiti niya ngunit wala pang segundo ay umiyak na naman siya. Nanginginig ang kamay niyang nakahawak lamang doon kaya ako na ang nag-play. Tumitig siya sa cellphone ko, sunod sa akin. Sinamantala ko ang pagkakataon para mapunasan ng panyo ang kanyang mukha.

Muli siyang umiling, wala siyang ginawa kundi umiling lang ng umiling.

“Just listen, okay.” Tumitig na naman siya sa labi ko na parang pilit na iniintindi ang sinasabi ko. “Ceej, are you okay?” Naramdaman ko na rin ang pag-init ng mata ko. Umiling siyang muli. Iyak lang siya ng iyak. “Ceej, please say something.” pakiusap ko ngunit pinagpatuloy lang niya ang pag-iyak.

Siniil ko na lamang siya ng halik sa labi, halik na maingat, halik na masuyo, halik na humihingi ng tawad, halik na sana makapagbago ng lahat, halik na sana maging maayos ang lahat. Pinakawalan ko ang labi sabay ng mga salitang matagal ko ng gustong sabihin sa kanya.

“I love you.” Hinawakan niya ang ibabang labi ko at hinaplos iyon, napakagaan ng daliri niya sa labi ko.

“I love you, too.” Sa wakas nagsalita rin siya. Sinagot niya ko na parang iyon lang din ang naiintindihan niyang salita mula sa labi ko. Niyakap niya ko ng sobrang mahigpit. “Dito ka na lang, please. Huwag mo na kong iiwan, huwag mo na kong layuan. Hindi ko na kaya, Chase, hindi ko alam kung ano’ng gagawin ko. Hindi ko na kaya…”

May narinig pa akong isang humihikbi bukod sa’ming dalawa ni Ceej. Naroon si Tita na sa tantiya ko’y kanina pa nanunuod sa’min.

“What happened?” Ang labo na ng paningin ko dahil sa panibagong luha na namumuo sa mata ko. “Hearing loss. She can’t be able to hear us anymore, Chase. There’s no cure. Nothing.” Hirap na hirap na sagot niya. Agad siyang umalis sa paningin ko, narinig ko ang malakas na paghagulgol niya.

“Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Bingi ka ba o nagbibingian lang?!”

Naalala ko ang huling sinabi ko sa kanya sa huli naming pag-uusap. Kung kaya ko lang bumalik sa nakaraan gusto kong bawiin ang salitang ‘yon. No. I just appreciate. Now, it made sense. Bakit wala akong alam sa nangyayari? Bakit siya naglihim?

God, I swear, I didn’t know.

Mahigpit kong niyakap si Ceej at pinagdikit ang pisngi namin ng mariin. Kapwa basang-basa ang mukha namin dahil sa luha.

Tintigan ko si Ceej ng mataman at muling binanggit ang tatlong salitang matagal ko ng gusting sabihin sa kanya na kahit kalian ay hindi na niya mariinig.

“I love you.”

“I love you, too.” Sa puntong ‘to siya naman ang pumunas ng luha ko.

“God, if you just can hear your voice right now saying you love me, too.” hinaplos na naman niya ang labi ko, puno ng pagtatanong. Bakas na wala siyang naintindihan, bakas na wala siyang narinig. Nanginginig ang kamay kong tumipa sa cellphone at agad iyong ipinakita sa kanya.

I love you so much. I will not leave you. Not anymore. I’ll stay with you. I promise I’ll take care of you.

Niyakap ko siya ng mahigpit at hinalikan ng mariin sa labi tanda ng pangako ko sa kanya.

Ang ginawa ko para sa kanya, wala rin palang silbi, wala ring kwenta, wala rin akong napala. Imbes na siya ang isurpresa ko, ako pa ang nasurpresa. Ang tanga ko. Ang tanga-tanga.

Pinagbiyan mo na lang sana siya. Bumuhos lalo ang luha ko ng maala ang ibinulong sa’kin ni Tita.

Bakit ngayon ko lang naisip? Bakit hindi ko napansin agad? Ang hindi pagtuloy ni Ceej sa pagpasok sa eskwelahan, ang hilig niya sa pakikinig ng kung anu-anong mga tunog, ang kaalaman niya tungkol sa scientific topics and discussions tungkol sa pandinig ng mga tao…lahat. May rason kung bakit niya ginagawa iyon, may rason kung bakit siya naging ganito. Ang tanga ko. Sana hindi ko na lang siya hinusgahan. Sana bumalik na lang sa dati ang lahat. Sana inintindi ko na lang siya.

Pero wala na kong magagawa, nangyari na. Nandito na. Hindi naman ako Diyos, hindi naman ako si Hesus na may kakayahang gumamot ng may kapansanan. Wala. Nakinig na lang sana ako. Pinagbigyan ko na lang sana siya. Ang tanga ko talaga. Sarilli ko lang ang iniisip ko. Naging sarado ang isip ko.

Ngayon ko natutunan na wala talagang pagsisising nasa una, laging nasa huli.

Kung meron man akong pinagsisihan sa buhay, iyon ay ang hindi pakikinig sa gusto niya. Kung meron man akong gustong ulitin mula sa nakaraan, iyon ay ang mga panahong nakikinig pa siya…

Wakas.

 

 

Related posts:

Related Posts

Leave a Comment