“Milk Tea” ni GN Toverada

Home / Lit / “Milk Tea” ni GN Toverada
  1. Sila

Sobrang dami ang nakakakilala sa iyo. Isang lakad mo lang, sampung lalaki na ang lumuluwa sa alindog na taglay mo. Sa buong kampus, wala yatang hindi nakakaalam sa pangalan mo. Mary Alexandra Crisostomo. Ang babaeng mahilig sa Milk Tea Kahit ako, hindi ko makakalimutan ang pangalan mo. Siguro kahit pa paulit-ulit akong magka-amnesia, lagi kong matatandaan ang pangalan mo. Ang tindig mo. Ang kabuuan mo na nakilala ko at gumulo sa buhay ko.

Dahil sa taglay mong ganda, hindi ka naubusan ng maliligaw. Kahit pa paulit-ulit mong sinasabihan ang mga kalalakihan na “friends lang muna ha?” para pa rin silang mga uto-uto na paulit-ulit kang kinukulit sabay sa magsasabi na handa silang maghintay kahit na anong mangyari. Madalas kang mainis sa kanila kaso ayaw mo ipakita kasi ayaw mo na masira ang imahe mo. Sweet ka kasi tingnan. Mukhang caring at malambing kaya marami ang nagkukumahog para maging kasintahan mo. Siguro may ibang pinapakay yung iba kaso basag sila sa mga pagtanggi mo.

Dahil sa pag-ibig nila sa iyo, tatlong mokong ang nag-away dahil sa iyo. Sabi nung isa, crush mo daw siya. Nagalit naman yung isa dahil soulmates na daw kayo since birth. Yung isa naman, secret boyfriend mo raw. Dahil tingin nilang tatlo ay tama sila, ayun nagbugbugan sila at sa kasamaang palad, sabay-sabay gumulong pababa sa hagdan kasabay ng kanya-kanya nilang obsesyon sa iyo. Wala namang namatay. Kaso, wala yatang bahagi ng katawan nila ang hindi nagkapilay.

Nag-aaway ang marami dahil sa iyo. Lahat sila, handang pumatay para lang patunayan na sila ang kampyon ng parang Wresling Suvivor Series na kumpetisyon para sa puso mo. Kung ikaw yung naging premyo ng kalayaan at ang mga manliligaw mo ang mga kasapi ng Katipunan, siguro ay di na kailangan pa magpauto sa mga Amerikano para masabing malaya tayo.

Halos lahat din ng mga babae ay may natatagong galit o inggit sa iyo. Kahit mga kaibigan mo, may inis sa mukha sa tuwing may lumalapit sa iyong lalaki. Kung kaya lang nila, gusto ka nilang kulamin at sirain ang buhay mo. Gusto nila na pumangit ka para wala nang magkagusto sa iyo. Gusto nilang tumaba ka para wala nang lumapit pa sa iyo. Ayaw nila sa iyo.

Hindi ka kaibigan sa paningin nila. Isa kang sagabal. Sagabal sa pagnanasa nilang lumandi. Hindi natutuwa ang mga kapwa mo babae sa iyo.

 

  1. Tayo

Sabi mo, nalilito ka na sa mga nangyayari. Kahit ako, medyo naguguluhan na rin. Mula kasi sa kung saan ay bigla kang pumasok sa buhay ko. Para kang trespasser. Pero di ko magawa na basta na lang na paalisin ka. Kahit noong di mo pa alam ang pangalan ko, sinusundan ko na ang buhay mo sa Facebook kasama ang ibang mga kalalakihan na nahuhumaling din sa iyo.

Natatandaan ko pa nung tinanong mo ako kung may gusto ako sa iyo. Syempre natawa lang ako. Akala mo, wala akong gusto sa iyo kasi nga tinawanan lang kita. Hindi na rin ako nagsalita. Bigla ka rin bumanat ng kwento mo tungkol sa iba-ibang kabadtripan mo. Nasabi mo sa akin na ayaw mo sa mga lalaki sa ating pamantasan dahil masyado silang mabababaw. Sabi mo, nararamdaman mo na ganda lang ang gusto nila sa iyo. Dun tayo naging magtropa talaga.

Simula noon, hindi ka na sumama sa mga kaibigan mo. Umamin ka na napaplastikan ka na sa kanila at puno ka na rin sa mga parinig nila sa iyo. Tumawa lang ako. Nakinig. Tapos sinuntok mo ako sa balikat. Nagulat ako kasi hindi ko alam na sa ganda mo, anlakas mo pala manuntok. Maghapon sumakit ang balikat ko dahil sa ginawa mo pero hindi kita sinisi.

Kahit di parehas ang takbo ng utak natin, naging magkasundo tayo. Andami ko rin na nakaaway noon dahil sa pagiging close ko sa iyo. Layuan daw kita. Layuan ko daw ang soulmate nila. Layuan ko daw ang babae para sa kanila. Sabi ko, nilalayuan na kita. Ikaw lang yung lapit nang lapit. Pakiramdam ko, pogi ako noon.

Natawa ka nung kinuwento ko sa iyo yun. Sabi mo, ok yung ginawa ko kaya nilibre mo ako ng Milk Tea na lasang ewan. Sabi ko sa iyo, lasang pinakuluang dahon ng oregano na may halong coffee-mate yung Milk Tea. Sabi mo, masarap naman kaya ikaw na rin yung uminom nung inilibre mo sa akin. Di kita maintindihan. Di ko maintindihan kung bakit sarap na sarap ka sa linsiyak na Milk Tea na yan.

Di lang isang beses nangyari yun. Kaya nung mga sumunod, nagvolunteer na ako na bumili ng sarili kong drink. Ok na ko sa de-boteng softdrinks. Sabi mo, mukha akong ewan nung umiinom ako sa 1.5 liter bottle ng Coke. Nahiya ako bigla sa iyo. Nasa foodcourt tayo noon at para kang supermodel na mahinhin na umiinom sa cup ng Milk Tea mo. Ako naman, parang uhaw na adventurer noon na lumalaklak ng softdrink matapos ang mahabang paglalakbay. Kasalanan mo din yun. Napagod ako kakasunod sa iyo habang naghahanap ka ng sapatos.

Madami ang nag-akala noon na tayo na pero di mo sila pinansin. Yung mga manliligaw mo na paulit-ulit kang tinatanong kung bakit ako ang pinili mo at di sila, sinasagot mo lang ng mga makakahulugang ngiti na nakapagpapatunaw sa akin. Kahit gusto ko, di naman kita matanong. Ayaw mo kasi sa mga obvious eh. Baka lumayo ka sa akin pag nagtanong ako. Kaya inenjoy ko na lang yung “tayo” ng di nakaksiguro kung may “tayo” nga ba talaga.

Madalas akong magmukhang alalay mo sa mga lakad. Dumalas din ang mga death threat sa akin ng mga pa-cool na limang beses mo nang binasted. Wala namang nangyayari pero kinakabahan ako. Sa totoo lang, hindi na tropa ang turingan nating dalawa noon. Para talagang tayo na. Napadalas pa lalo ang Milk Tea-softdrink encounter natin dalawa. Unti-unti, sinusubukan ko na din  lasapin ang lasa ng Milk Tea mong paborito kahit pa sa totoo lang ay nasusuka ako ay pakiramdam ko ay umiinom ako ng gamot.

Tapos nangyari ang inaasahan. Katatapos lang ng thesis defense ko noon nung tinuloy ng pinakamasugid mong manliligaw ang banta niya. Binugbog ako sa madilim na quadrangle kung saan balak natin na magkita. Kung di ka dumating malamang, baldado sana ako.

Gusto na kita noon. Mahal na kita ngayon. Tulad ng pagpipilit kong uminom ng Milk Tea, pinipilit ko lang din ang astigin kong personalidad para sa iyo. Di ko kasi pwedeng sabihin sa iyo. Natatakot kasi ako.

 

III. Ikaw

Pagkatapos noon, hindi ka na nakipag-usap sa akin. Lumayo ka sa akin at naglalapit ka sa kanya. Sa mga nakita ko, mas masaya sa kanya kaysa noong ako yung kasama mo. At yung kung ano man na meron kayo, matatawag talagang opisyal. Ipinangangalandakan mo pa nga sa pamamagitan ng pakikipag-holding hands sa kanya habang masaya kayong naglalakad sa catwalk ng pamantasan. Bumalik uli ang mga kaibigan mo. Pakiramdam ko ginamit mo lang ako.

Pakiramdam ko eh kagaguhan at pawang imbento lang ang mga ikinuwento mo sa akin. Parang nagsusumigaw ang mga tawanan ninyo na hindi ka naman talaga pinaplastik ng mga kaibigan kundi akala lang karamihan. Sa bawat biruan niyo ng syota mo ngayon, ramdam ko ang saya na nadama ko sana noon kung sakaling nagmatapang ako at tumama ang pakiramdam ko na may gusto ka din sa akin.

Nag-iba ka na. Kasinungalingan yata ang kabuuang ikaw na ipinakilala mo sa akin. Katulad ka ng Milk Tea. Mahal na, lasang pinakuluang damo pa. Maganda pakinggan pero di kanais-nais ang naalala kong experience. Iniyakan kita. Kahit niloko mo ko at pinaasa, minahal kita ng sobra.

Kahit yung buhay mo na sinusundan ko sa Facebook, anlaki na ng pinagbago. Kung noon, paselfie-selfie ka lang, ngayon model ka na. Sexy na ang mga sinusuot mo kaya mas marami na tuloy ang mga nahuhumaling sa iyo. Anlayo dun sa sinabi mong makabagong konserbatibong pinaliwanag mo sa akin. Lalo na yung litrato mong walang pang itaas liban sa mga braso mong tumatakip sa dibdib mo. Simula noon, kinalimutan kita.

Masaya na ako at unti-unting bumabangon sa bagyong hinatid mo sa buhay ko nang may mangyari na naman. Alam mo yung unti-unti na akong lumalayo pero pinagkrus na naman tayo ng pa-epal na tadhana. Hapon noon at niyaya mo ako na makipagkita sa iyo na parang katulad ng dati. Pumayag naman ako. Di kasi kita kayang tanggihan.

Maaga akong dumating sa lugar na sinabi. Dala ko ang dalawang order ng paborito mong Wintermelon Milk Tea. Para sa iyo at para sa akin. Gusto kong ipakita sa iyo na handa akong yakapin yung mga bagay na ayaw ko para sa iyo kaso hindi ka dumating.

Kinabukasan, nabalitaan ko na tinapos mo na daw ang buhay mo. Nakita ka na lang walang malay at katabi mo ang ilang walang lamang bote ng cough syrup. Lahat kami nagulat sa ginawa mo. Nagdalamhati ang mga nagkakagusto sa iyo. Sayang ang buhay mo na tila perpekto na yata. Maganda, matalino at walang problema sa pera. Masaya ka naman nung mga nakaraang araw di ba? Kaya ganoon na lang ang pagtataka ng lahat sa dahilan ng pamamaalam mo.

Mali pala kami. Di ka pala namin lubusang naiintindihan.

 

  1. Ako

Ilang linggo ka nang nailibing pero di ko pa rin matanggap. Kahit di kita nakakausap noon, atleast alam ko na kahit anong oras, basta bigla akong papaulanan ng langit ng lakas ng loob, ay makakausap kita. Kaso iba na ngayon. Kahit ilang Milk Tea pa ang ialay ko sa diyos ng mga tsaa, hindi ka na babalik sa akin liban na lang sa alaala.

Bumalik ako dun sa lugar na kung saan tayo dapat huling magkikita. Huling pamamaalam sana sa iyo bago ko tuluyang ituloy ang buhay ko nang wala ka sa sistema ko. Nagdala ako uli ng Milk Tea pero isa na lang at yung pinakamaliit pa. Wala ka na naman eh. Di ko na kailangan magpanggap na gusto ko ang inuming ito. Pero sa kahuli-hulihang pagkakataon, iinom ako. Hindi nga lang kasingdami ng nilalagok mo noon dahil baka magsuka ako bigla. Para sa iyo lang talaga.

Habang inaalala kita ay may nakita akong nakasingit na papel sa may kinauupuan ko. Dahil likas akong pakialamero, binuksan ko. Walang pangalan pero alam ko, sulat mo iyon.

Sabi mo, pumunta ako sa inyo bago mag-ala sais dahil gusto mong ipaliwanag sa akin ang mga nangyari. Malamang noon pa ito bago ka nagpatiwakal. Badtrip. Bakit ngakon ko lang to nabasa? Talagang tanga lang ba ako? O katulad ng papel, tinuring mo lang akong nakasingit sa buhay mo at ayos lang na mamaalam ka na di ako nakakausap man lang?

At ano yung ipapaliwanag mo? Na niloko mo lang ako at pinaasa pero dapat di ako magalit kasi power trip nyo lang ng boyfriend mo yun? Ano yun, akala mo maniniwala ako dun sa siabi mong “Ikaw talaga ang mahal ko at may dapat kang malaman tungkol sa boyfriend ko ngayon”?

Mahal mo ako? Patay ka na pero ginugulo mo pa din ang buhay ko. At kahit iniisip ko na posibleng nakipag-boyfriend ka lang sa kanya para di na niya ako bugbugin, anlabo nun. Anlabo naman yata na mahalin mo ako dahil bukod sa di mo ako napapansin simula nung naging kayo, para pang alalay o bestfriend ang tingin mo sa akin. Isa pa, sobrang saya mo sa kanya at parang di ako nag-eexist sa universe noon.

Teka, sa iyo ba talaga galing ‘tong sulat na ito o para sa ibang tao ito at nag-iilusyon lang ako dahil walang mga pangalan na binanggit sa sulat at sakto pa ito sa lahat ng mga nangyayari ngayon?

Milk Tea ng inang buhay ‘to oh. Simpait ng tsaa. Di ka pa papatulugin na parang kape sa umaga.

 

 

 

I’m Gerald  Neil Toverada, a 19 year old writer from Valenzuela. I started writing few years ago and I am fascinated by the complexity of the human emotion which is what I usually write about.

Related posts:

Related Posts

Leave a Comment