Hanggang Sa Muli ni Sherelyn Camille Ilagan aka DASH

Home / Lit / Hanggang Sa Muli ni Sherelyn Camille Ilagan aka DASH

Huli na nga ba ang lahat? At kapag ba huli na, wala ng pag asa? Kulang na lang takbuhin ko maabutan lang kita. Pati oras hiniling ko na sana sa pagkakataong yun, tumigil muna. Pero mukhang hindi sang-ayon ang tadhana, kasi kahit siya.. walang nagawa.

 

Napamulat ako pagkatapos maalalang muli ang sandaling yun. At heto na naman ako, naka upo habang nakasandal sa pinto. Habang hawak ang isang bagay na lagi kong karamay ‘pag nalulungkot, at namimiss ka— ang gitara. Sa t’wing naaalala kita, binubuhos ko ang sarili ko sa pagtugtog sa banda. At sa bawat pagkanta, hinihiling na sana.. nandun ka. Minsan, inuubos ko ang oras sa Dota, o kaya sa Basketball. Pero wala ring kwenta, kasi laging hanap ka. Napabuntong-hininga ako..

Ang hirap pala pag wala ka? Malungkot.

Siguro kasi nasanay ako na palagi kang nandyan sa tabi ko.

“Oh Kean, emo ka na naman d’yan?! ‘Langya, Iniisip mo na naman ‘yong pers lab mong naudlot dahil sa katorpehan mo?” tanong ng tropa kong walang magawa sa buhay sabay tawa pa. Tiningnan ko lang siya ng masama, tumigil naman siya.

“Wala kang pakialam.” masungit na sagot ko kaya humagalpak na naman siya ng tawa. Baliw!

Kamusta ka na kaya?

Bulong ko sa sarili ko.

Dapat pa ba akong maghintay sa taong hindi ko alam kung babalik pa?

Anim na taon na akong naghihintay sa kanya. Sabi niya, tatlong taon lang daw pero lumipas na ang isa pang tatlong taon, walang bumalik. Ni anino ng taong pinangakuan kong hihintayin ko, hindi ko nakita. Siya si Gabrielle, ang bestfriend ko simula pagkabata. Ang pers lab ko.

Umuwi ako ng bahay na bigo. Lagi naman. Umupo ako sa kama at sumandal sa headboard nito. Kinuha ko yung wallet kong may litrato niya, nakangiti ata masaya. Wala na yatang araw simula nung umalis siya na hindi ko siya hinintay. At kahit magmukha pa akong engot sa kakakausap  ng litrato n’yang hindi naman sumasagot, okay lang. Ganun yata siguro talaga kapag tinamaan ka. Muli akong sumulyap sa litrato niya.

Gab, babalik ka pa ba talaga?

***

FLASHBACK

Isang saksakan ng torpeng binata ang inlab sa isang dalaga. Sa kasamaang palad, hindi niya maamin dito dahil siya ang dakilang bestfriend nito. Friendzoned, ika nga. Natatakot siya na baka ‘pag umamin siya, may magbago. Sobrang mahalaga kasi sa kanya ang pagkakaibigan nila, na kaya niyang itago at isakripisyo ang nararamdaman niya para mapanatili ang kung anong meron sila.

Sa kabila ng lahat ng yun, masaya siya. Masaya siya dahil sa kanya. Kuntento na siya sa kung anong meron sila. Na sapat na laging nandiyan siya sa tabi niya para suportahan sa lahat ng bagay. Patawanin, pangitiin, asarin, payuhan at ang iniiwasan niya, ang paiyakin ito. Kahit masakit makitang maraming gustong manligaw sa kanya, okay lang. Titiisiin na lang niya. Kasi magkaibigan sila. Saklap, dude!

Pero sabi nga nila, “Gaano ka man kasaya ngayon, dadating din sa punto na iiyak ka.”

Kean,

Bes, alam ko tulog ka pa. Ikaw pa? E tulog mantika ka kaya! HAHA! Siguro nasa loob na ako ng eroplano kapag nabasa mo ‘to. Alam ko, magtatampo ka kasi hindi ako nagpaalam sa’yo, na hindi ko sinabi sa’yo na ngayon ang araw ng alis ko. Pero kasi Bes ayoko kasing makita mong aalis ako e. Ayokong mang iwan, pero alam ko ito ang gusto mo. Ang tupadin ko ang pangarap ko. Di ba? Iisipin ko na lang, nakangiti ka ngayon para sa akin.

Mag iingat ka lagi, Bes. Mag aral kang mabuti para matupad mo yung pangarap mong maging Engineer. Alam kong kaya mo yun. Ikaw pa? Wala man ako lagi sa tabi mo para suportahan ka, lagi mong tatandaan na proud ako sa’yo. Wag ka na laging mag Dota, ha? Maggitara ka na lang at wag laging gabi umuwi. Tama na muna ang mga chix. Hehe. Mamimiss kita, Bes. Sobra.. Ano ba  yan, kainis! Tulo ng tulo yung luha ko habang nagsusulat ako, nabasa tuloy yung papel.

Sige na Bes, MMK na ‘to. Salamat ng sobra kasi may Kean na laging nandiyan para sa akin. Korni na masyado. Bye, Bes. Ingat  ka ha..Godbless!

P.S

Babalik ako, at sana sa pagbalik ko.. Mahintay mo ako.

Hanggang sa muli,

Gabrielle

Walang tigil ang pag agos ng luha ko habang binabasa ko ang sulat niya. Mamula-mula ang mata at ilong ko pero wala akong pakialam. Halos malamukos ko ang papel na hawak ko. Alam niyang magagalit at magtatampo ako. Pero bakit? Bakit siya umalis na walang paalam?! Kahapon magkasama pa kami, e. Masaya pa kaming pareho. Walang bakas ng mang iiwan at iiwanan.

Dali-dali akong lumabas ng bahay at sumakay ng FX papuntang Airport. Halos sabihin ko na sa driver na paliparin na ang FX, dial ako ng dial sa number niya pero wala na. Out of coverage area. At sa kamalas-malasang pagkakataon, traffic pa. Nang hindi na tuluyang umandar, bumaba na ako at tuluyang tinakbo ang kahabaan ng kalsada. May nasagi pa nga akong tindera sa bangketa. Dala ang maliit na pag asa na sana maabutan ko pa siya. Aamin pa ako ng nararamdaman ko e. . Sasabihin ko pang kahit ilang chix pa ang hanapin ko, siya at siya lang naman ang nakakakuha ang atensyon ko. Kasi siya lang naman ang mahal ko, simula pa nung una.

Dumating ako sa Airport, kalilipad lang ng eroplano niya patungong Pransya. Humanap ka naman ng torpe at malas, sige ako na. Ako na!

Daya mo, Bes. Lagi na nga akong huli, pati ba naman iniiwan ako pa rin? Masakit, e. Pero kahit naman ganun, hindi ko pa din magawang magalit sa’yo. Ikaw pa, e mahal kita.

Hihintayin naman kita. Hihintayin kita kahit di mo sabihin.

END OF FLASHBACK

“Tagal mo naman bumalik, Gab.” sambit ko kahit na wala naman akong kausap kundi sarili ko. Dala ko na naman yung gitara ko, habang nakaupo sa damuhan at nagmumuni-muni. Habang naghihintay na ulit ng pagbalik niya.

“Pero hindi naman ako naiinip. Wag kang mag alala.” dagdag ko pa.

Tuluyan na akong sumandal sa puno ng mahogany at tumugtog,

Natapos na ang lahat,

Nandito pa rin ako.

Hetong nakatulala,

Sa mundo, sa mundo..

 

Hindi mo maiisip,

Hindi mo makikita.

Mga pangarap ko,

Para sa’yo, para sa’yo.

 

Nakaramdam ako ng pagpatak ng tubig sa aking balikat mula sa itaas. Nagsimulang pumatak ang ambon pero wala akong pakialam. Titila din naman yan. Siguro, pati langit nakikiramay sa akin kaya umambon.

Ohh, hindi ko maisip,

Kung wala ka.

Ohh, sa buhay ko..
Kakantahin ko na sana yung chorus ng biglang may ibang kumanta para sa akin. Kasabay ang pagkanlong ng payong sa aming dalawa. At yung sandaling narinig ko ang boses niya, alam kong siya yun. Ni hindi ko magawang lumingon. Alam kong nasa likod ko lang siya.

Gusto ko siyang yakapin ng mahigpit at sabihin sa kanya na sobra ko siyang namiss. Pero ayokong gawin. Baka sa sandaling lumingon ako, mawala siya. At panaginip lang lahat ng ito.

“Bes, di mo man lang ba ako namiss? Wala man lang yakap? Wala man lang welcome back? Grabe ka, Bes!” sambit niya.

Totoo na ba ‘to? Siya na ba talaga yun? Hindi na ‘to panaginip? Lord, salamat po at dininig niyo na ang matagal kong panalangin.

Unti-unti akong humarap sa kanya. Umiiyak siya. Umiiyak habang nakangiti. At bakas din sa kanya kung gaano siya kasaya. Eh ano pa ako? Gusto ko mang magtatalon sa tuwa ngayon, mamaya na. Pinutol ko ang kaunting distansya naming dalawa at niyakap siya.

“I miss you..” paulit-ulit na bulong ko, at ramdam kong ngumiti siya.

Hinampas niya ako kaya tuluyan ng nawala ang payong na panangga sa ulan. Parehas na kaming basa pero wala kaming pakialam. Moment namin yun, e. Okay lang na malakas ang ulan. Ang mahalaga, bumalik na siya.

“Bes.” tawag niya.

“Bes pa din?” tanong ko.

“Oh sige, Kean Angelo..”

“Hmm?” kumalas ako sa yakap at tinitigan siya sa mga mata.

“Sorry kung matagal ako. Sorry kung natagalan. Sorry kung–”

“Ssssh.” pinigilan ko siya kasabay ang pagdampi ng halik ko sa noo niya. Nakangiti siyang tumingin sa akin.

“Wala akong pakialam kung gaano katagal. Ang mahalaga, bumalik ka.”

 

****

Inilapag ko ang folder sa aking tabi matapos ko iyong basahin sa kanya. Ngumiti ako at umupo, pinagmasdan siya. Pero nanatili siyang tahimik.

“Hanga ka na, Bes? Galing ko ‘no?” pabiro kong tanong, ngunit hindi na naman siya sumagot.

“Ise-send ko yan sa writing contest na sasalihan ko. Tingin mo, matanggap kaya ‘yan sa Preliminary entries?” tanong ko pa ulit.

“Satisfied naman ako sa ending, Bes e. Siguro kasi ikaw ang inspirasyon ko.. Salamat kasi isa ka sa mga dahilan kung bakit nagpatuloy akong magsulat.” Nakangiti kong sinabi iyon sa kanya, at alam kong masaya din siya.

“Masaya yung ending, Bes. Hindi katulad ng nangyari sa ating dalawa Daya mo kasi e.”

“Sige na, Bes. Babalik na lang ako ulit bukas. Mukhang uulan, e. Miss na kita.”

“Hanggang sa muli, Bes. Hanggang sa muli.”

Iyon ang huli kong sinabi bago tumayo. Muli ko siyang pinagmasdan,

Anna Gabrielle G. Herrera

Born: August 16, 19**

Died: February 09, 20**

 

 

Sherelyn Camille V. Ilagan, or DASH as her pseudonym is a Bachelor of Science in Business Administration major in Financial Management graduate at Batangas State University. Her passion to write is her motivation why she pursued writing. Because for her, writing is one of the thing she’s inlove to. She spends her free time writing stories and reading novels. She’s a fan of the many Filipino aspiring writers, too. She is very thankful to those people who believed in her talent since the very start. And she wants to share this line to everyone, “Magsulat ka dahil hilig mo, gusto mo, at mahal mo. Bonus pa ‘yung masayang pakiramdam ‘pag nakaka-inspire ka ng aspiring writers na kagaya mo.”

 

Related posts:

Related Posts
Comments
  • MEA Pagente

    Nagulat ako sa ending. Akala ko… wala. I’m expecting na may happy ending na tulad ng naiisip ko. Haaay. Its kinda heavy Ms. Dash. Keep on writing. Good job. =)

Leave a Comment